PBA motoclub sasagupa sa Mavs team sa charity game
MANILA, Philippines — Patutunayan ng mga retired PBA cagers na may asim at may ibubuga pa sila kontra sa mga amateur players at social media sensations sa Charity Game ng PBA Motoclub at Mavs Phenomenal sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.
Aarangkada ang bakbakan sa alas-7 ng gabi na siyang magiging pagbabalik hardcourt nina dating PBA stars Jayjay Helterbrand at Marc Pingris.
Makakasama nina Helterbrand at Pingris si Rico Maierhofer sa PBA Motoclub bukod kina Sol Mercardo, Billy Mamaril, KG Canaleta, Doug Kramer, Jay-R Reyes, JC Intal, Ryan Araña, Roger Yap, Ronald Tubid, Jerwin Gaco, Cyrus Baguio, Mac Cardona at Sunday Salvacion.
Grupo ng mga retired PBA players na ngayon ay nahilig sa pagmamaneho ng malalaking motor ang PBA motovlog na nagiikot-ikot sa Pilipinas upang maglaro sa mga imbitasyon na exhibition leagues.
May nakalaan ring uniporme kay two-time MVP James Yap ng Rain or Shine bagama't hindi pa talaga retirado sa PBA.
Haharang sa kanilang daan ang Mavs Phenom ni skills coach at dating FEU player Mavrick Bautista na nagsilbi ring trainer ng ilang pro players.
Sumikat ang Mavs Phenom, binubuo ng mga batang players, sa pagdayo sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas na napapanood sa kanilang Youtube channel.
Katulad ng Mavs ay may Youtube channel din ang PBA motoclub na bukod sa kanilang motorcycle trips ay mapapanood na rin ang kanilang mga pagbisita sa exhibition games.
Ang lahat ng kita ng laro sa pagitan ng PBA Motoclub at Mavs Phenom ay mapupunta sa charity.
- Latest