Creamline sisimulan ang Grand Slam bid
MANILA, Philippines — Aarangkada na ang paboritong Creamline na haharap sa PLDT Home Fibr sa kanilang unang laro sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference ngayong hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang salpukan ng Cool Smashers at High Speed Hitters sa alas-2:30 ng hapon habang pakay naman ng F2 Logistics at Choco Mucho na makabalik sa porma sa kanilang engkuwentro sa alas-5:30 ng hapon.
Target ng Cool Smashers na makumpleto ang Grand Slam matapos pagreynahan ang Open Conference at Invitational Conference ng liga.
Ang Cool Smashers ang may pinaka-intact na team sa season na ito lalo pa’t magbabalik na si team captain Alyssa Valdez na hindi nasilayan sa laban ng kanilang tropa sa AVC Cup at Asean Grand Prix.
“It’s good to be back with the girls talagang humahabol lang ako sa kanila sa training dahil late na ako hindi ako nakapaglaro sa AVC and Asean Grand Prix,” ani Valdez.
Aasahan ng Cool Sma- shers si Yeliz Basa na malalim na ang karanasan sa international play dahil nakapaglaro na ito sa iba’t ibang bansa.
Nariyan pa sina two-time MVP Tots Carlos, Jema Galanza, Michele Gumabao, middle blockers Jeanette Panaga at Celine Domingo.
Mataas naman ang moral ng PLDT dahil galing ito sa pahirapang 17-25, 25-20, 24-26, 25-11, 15-11 panalo laban sa PHL Army Lady Troopers sa opening day ng liga sa Sta. Rosa Laguna.
Ibabanderang muli ng High Speed Hitters si import Elena Samolenko na nagpasabog ng 35 puntos sa kanilang huling laro.
- Latest