PLDT hinatawan ang Army
MANILA, Philippines — Nalusutan ng PLDT Home Fibr ang Philippine Army, 17-25, 25-20, 24-26, 25-11, 15-11, para makuha ang unang panalo sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.
Umarangkad nang husto si import Elena Samoilenko na nagpako ng 35 points mula sa 32 attacks, 2 blocks at 1 ace para banderahan ang High Speed Hitters.
Matikas ang suporta ng local players kabilang na si opposite hitter Toni Rose Basas na umiskor ng 11 points.
Nag-ambag pa si Fiola Mae Ceballos ng 10 points, habang kumana sina middle blockers Mika Reyes at Dell Palomata ng parehong tig-10 markers para sa High Speed Hitters.
Umatake ang High Speed Hitters mula sa matikas na playmaking ni Rhea Dimaculangan na may 21 excellent sets.
Lamang na lamang ang PLDT Home Fibr sa lahat ng scoring department kabilang na ang 66 attacks laban sa 51 ng Army.
Nakakuha pa ang High Speed Hitters ng 10-4 edge sa blocks at 9-5 bentahe sa aces.
Subalit nakagawa ang PLDT Home Fibr ng 33 errors.
Laglag ang Lady Troopers sa 0-1 marka.
Nanguna para sa sa Lady Troopers si Canadian import Laura Condotta na kumana ng 15 attacks, 1 ace at 1 block, habang nagtala naman si Honey Royse Tubino ng 17 markers tampok ang 16 hits.
- Latest