Wright ibabandera ang Kyoto team sa B.League
MANILA, Philippines — Handa na si Matthew Wright na buksan ang bagong kabanata ng kanyang karera sa Japan matapos pormal na ipakilala ng Kyoto Hannaryz bilang Asian import para sa 2022-2023 Season ng B. League.
Ayon kay Wright, pagkakataon ito upang lalong magpagaling sa ibang liga matapos maipakita ang kanyang potensyal sa PBA simula noong 2016.
“I think it’s going to be a great challenge because I feel like I was getting a little too comfortable in the Philippines being there for six years,” sabi ng dating Phoenix star guard sa PBA.
Nagdesisyon si Wright na lumipat sa B.League matapos pumirma sa Kyoto matapos ang anim na taon sa Phoenix na pumili sa kanya noong 2016 PBA special Gilas Pilipinas draft.
Walang ibang pinaglaruang koponan si Wright bukod sa Fuel Masters kung saan labis ang kanyang pasasalamat sa ibinigay na pagkakataon kaya ngayon ay pareho ang nais isukli sa Kyoto.
Huling salang niya sa Phoenix ang 2022 Philippine Cup kung saan siya nagrehistro ng mga averages na 15.0 points, 5.9 assists, 5.1 rebounds at 1.6 steals.
Ngayon sa Kyoto ay mas malaking responsibilidad ang nag-aabang kay Wright lalo’t kagagaling lang ng Hannaryz sa 14-43 kartada noong huling season.
- Latest