Arellano sinapawan ang Letran
MANILA, Philippines — Naglabas ng malakas na puwersa ang Arellano University sa fourth quarter upang sorpresahin ang nagdedepensang Letran, 72-69, sa NCAA Season 98 men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang ikatlong panalo ng Chiefs sa apat na laro para sumulong sa ikalawang puwesto.
Kumayod nang husto si Cade Flores na nagsumite ng 18 points at 9 rebounds, habang naglista si Axel Doromal ng 14 markers at 5 rebounds para sa Chiefs.
“Ayun ang sinasabi ko sa mga player eh, napakasarap maglaro kapag kalaban mo ang defending champion,” ani coach Cholo Martin. “Iyong malalakas na teams, doon lalabas ang mga laro ninyo.”
Tumipa si Wilmar Oftana ng 13 points at 5 boards at gumawa pa si Joshua Abastillas ng 10 markers.
Naiwanan ang Chiefs sa third quarter, 42-55.
Ngunit nagpasabog ito ng matkas na 27-5 run sa likod nina Flores, Abastillas at Shane Menina para makuha ang 69-60 kalamangan sa huling 2:32 ng fourth quarter.
Lumasap ang Knights ng unang kabiguan para mahulog sa 1-1 marka.
Naputol din ang 14-game winning streak ng Letran na nagsimula noong nakaraang season.
Nawalan ng saysay ang double-double na 19 points at 16 rebounds ni Louie Sangalang gayundin ang pinagsikapan ni King Caralipio na sarling doube-double na 16 points at 13 boards.
- Latest