Cignal nakauna sa PVL
MANILA, Philippines — Malakas ang signal na pinakawalan ng Cignal HD Spikers para pasukuin ang Philippine Army, 25-17, 21-25, 25-20, 25-20, tungo sa buenamanong panalo sa pagbubukas ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Umangat agad ang HD Spikers sa 1-0 rekord para okupahan ang unang puwesto sa standings.
Bida si outside hitter Ces Molina na humataw ng 20 puntos kabilang ang 16 spikes at ang 14 excellent digs.
Mainit din sina team captain Rachel Anne Daquis at middle blocker Roselyn Doria na nagpako ng tig-10 puntos habang may pinagsamang 14 hits sina Angeli Araneta at Ria Meneses.
Nakalikom si setter Gel Cayuna ng 24 excellent sets kasama ang walong puntos para tanghaling player of the game.
“We made some adjustments on our service receive and got our combination and attacking game going,” ani Cayuna.
Bagsak sa maagang 0-1 baraha ang Lady Troopers.
Nangibabaw para sa Army si outside hitter Nene Bautista na nagsumite ng 14 hits habang nakakuha si opposite spiker Jovelyn Gonzaga ng 13 points.
Nagdagdag si Michelle Morente ng 12 points subalit hindi ito sapat para dalhin ang kanilang tropa sa panalo.
Lamang ang Army sa attacks (48-44) at service aces (4-2).
Subalit naging malaking hadlang para sa Lady Troopers ang 34 errors na nagawa nito.
Naglatag pa ng block party ang HD Spikers bitbit ang 16 blocks.
- Latest