Ramos kumana ng 2 ginto sa World Youth
MANILA, Philippines — Muling nagbigay ng karangalan sa bansa si national youth weightlifter Rose Jean Ramos matapos bumuhat ng dalawang gold medals sa World Youth Championships sa Guanajuato, Mexico.
Inangkin ng 17-anyos na si Ramos ang mga ginto sa clean and jerk sa kanyang itinalang 85 kilograms at sa total lift na 155kg sa women’s 45kg division.
Bigo naman siya sa gold nang makuntento sa silver medal sa snatch sa kanyang inilistang 70kg.
Noong 2021 edition ng torneo na idinaos sa Jeddah, Saudi Arabia ay nag-uwi ang tubong Zamboanga City ng dalawang ginto sa snatch at total lift at pilak sa clean and jerk.
Si Ramos ang isa sa mga sinasabing susunod sa mga yapak ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz.
“Iba yung feeling na maka-gold ulit sa world championships. Malalakas ang mga kalaban dito pero pinaghandaan ko talaga ito dahil alam kong magiging mabigat ang laban. Kaya sobrang saya ko na naka-gold ulit ako,” ani Ramos.
Bukod kay Ramos, isa rin ang 18-anyos na si Vanessa Sarno na gumagawa ng pangalan sa weightlifting scene.
Kumolekta si Sarno ng gold medal sa nakaraang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam at sa 2021 Asian Championships sa Tashkent, Uzbekistan.
Nagposte ang tubong Tagbilaran City, Bohol ng mga bagong SEA Games record na 104kg sa snatch, 135kg sa clean and jerk at total lift na 239kg sa women’s 71kg.
- Latest