JGDL nakasakay na sa Dyip
MANILA, Philippines — Makakasama ng Terrafirma si rookie Javi Gomez de Liaño sa loob ng dalawang taon sa kampanya sa Philippine Basketball Association.
Pormal nang pumirma ng two-year deal si Gomez de Liaño sa Terrafirma kahapon.
Matatandaang napili ng Barangay Ginebra si Gomez de Liaño bilang No. 8 pick sa ginanap na PBA Annual Rookie Draft noong Mayo 15.
Subalit ilang araw matapos ang draft ay nai-trade ang dating University of the Philippines standout kasama si Brian Enriquez sa Terrafirma kapalit ni No. 2 pick Jeremiah Gray.
Umaasa si Gomez de Liaño na madadala nito ang kanyang talento sa Dyip para matulungan ang koponan sa kampanya sa mga darating na season ng liga.
“Gusto ko lang talagang makatulong sa team. Iyon ang nasa isip ko ngayon. Masaya ako na nasa Terrafirma ako,” ani Gomez de Liaño.
Bago sumabak sa draft ay naglaro si Gomez de Liaño sa Japan B.League kasama ang Ibaraki.
- Latest