Gilas susukatin ang Thailand
MANILA, Philippines — Sasalang ang reigning champion Gilas Pilipinas sa una nilang hamon kontra sa karibal na Thailand sa pag-arangkada ng 5-on-5 basketball sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Kikilatisin ng Nationals ang Thailand sa alas-4 ng hapon (Manila time) para sa mainit na panimula ng kanilang hangaring madepensahan ang gintong medalya na napanalunan noong 2019 sa Pilipinas.
Si coach at program director Chot Reyes ang magtitimon sa Gilas na babanderahan nina six-time PBA MVP June Mar Fajardo at five-time SEA Games gold medalist Kiefer Ravena.
Makakatulong nila sina Thirdy Ravena, Matthew Wright, RR Pogoy, Mo Tautuaa, Troy Rosario, Isaac Go at Kib Montalbo at mga cadets na sina Will Navarro, Lebron Lopez at Jaydee Tungcab.
Pinalitan ni Tungcab sa Gilas roster si Kevin Alas na hindi nakasama sa Hanoi upang samahan ang asawang si Selina Dagdag-Alas dahil sa rare cancer nitong gestational trophoblastic neoplasia.
Tangka ng Gilas na masungkit ang ika-14 na sunod at kabuuang ika-19 gintong medalya sa SEA Games subalit higit doon ay nais nitong maiganti ang Gilas 3x3 team.
Iyon din ang mithiin ng Gilas women’s team na sasagupain ang Indonesia sa alas-10 ng umaga matapos pumang-apat sa 3x3.
- Latest