2 ginto ambag ng wushu
MANILA, Philippines — Inilabas na ni Agatha Wong ang lahat ng itinatago nitong alas sa upang angkinin ang gintong medalya sa taijijian taolu event ng 31st Southeast Asian Games wushu competitions na ginaganap sa Cau Giay Gymnasium sa Vietnam.
Isang araw matapos magkasya sa pilak na medalya sa kanyang paboritong taijiquan taolu event, matikas ang ipinamalas na performance ni Wong para kubrahin ang 9.71 puntos sapat para angkinin ang ginto.
Pinataob ni Wong sina Vietnam bets Huyen Tran Thi (9.70) at Trang Tran Thi (9.69) na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Nagawa pa rin ni Wong na makapaglatag ng magandang laban sa kabila ng maiksing panahon na preparasyon dahil sa pandemya.
Dalawang buwan lamang ito nagtraining sa bubble setup sa Maynila.
“I’m so thankful.We must remember na may pandemic. Kaya yung kahapon I was thankful naka-silver ako. Kahit bronze pa ‘yan I’d still be thankful,” ani Wong, na sabik ng umuwi sa kanilang tahanan.
Hindi na makapaghintay si Wong na bumalik sa Pilipinas upang makasama ang kanyang pamilya.
Ibinigay naman ni Arnel Mandal ang ikalawang ginto ng wushu nang igupo si Laksmana Pandu Pratama ng Indonesia sa finals ng men’s 56kg sanda, 2-0.
Uuwi ang wushu team na dala ang dalawang ginto, dalawang pilak mla kina Jones Inso sa me’s Taijiquan (taolu) at tanso na iniambag din ni Inso sa taijijian.
- Latest