FEU tumibay ang tsansa sa F4
MANILA, Philippines — Ginulantang ng Far Eastern University ang De La Salle University, 67-62, upang mapalakas ang tsansa nito sa Final Four ng UAAP Season 84 men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Muling bumida si RJ Abarrientos nang pamunuan nito ang opensa ng Tamaraws matapos kumana ng 21 puntos mula sa matikas na 8-of-14 shooting clip tampok ang limang three-pointers.
Dahil sa panalo, umangat ang Tamaraws sa solong ikaapat na puwesto hawak ang 6-6 baraha habang nanatili ang Green Archers sa No. 3 spot tangan ang 7-5 marka.
“At the half, ‘yun ung sinabi ko sa kanila. We have to play 40 mi-nutes of basketball to beat La Salle. We had a bad third quarter. Luckily in the fourth quarter, we stepped up on defense and executed on offense so nasuwerte rin kami because La Salle didn’t have Winston today so we just took advantage of it,” ani Tamaraws head coach Olsen Racela.
Sa ikalawang laro, pinataob ng University of the Philippines ang University of the East, 81-68, para maipormalisa ang pagkopo sa twice-to-beat card sa Final Four.
Sumulong ang Fighting Maroons sa 10-2 baraha habang lalo pang nalugmok sa ilalim ng standings ang Red Warriors bitbit ang 0-12 marka.
Pinabagsak naman ng reigning champion Ateneo de Manila University ang Adamson University sa bendisyon ng 91-57 demolisyon upang makalapit sa sweep.
Parehong nagtala ng 18 markers sina Angelo Kouame at Matthew Daves para buhatin ang Ateneo sa 12-0 baraha.
- Latest