Creamline kukunin na ang PVL crown
MANILA, Philippines — Puntirya ng Creamline na maisukbit ang kampeonato sa pagharap sa PetroGazz sa Game Two ng best-of-three championship series ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa Ynares Center sa Antipolo City.
Maghaharap ang Cool Smashers at Gazz Angels ngayong alas-6 ng gabi matapos ang duwelo ng Choco Mucho at Cignal sa alas-3 ng hapon sa best-of-three bronze medal match.
Nakauna ang Creamline nang kubrahin 25-16, 23-25, 25-12, 32-30 panalo laban sa PetroGazz sa Game One noong Miyerkules.
Naasahan nang husto ng Cool Smashers sina team captain Alyssa Valdez at opposite hitter Tots Carlos na nagtala ng tig-26 points.
Bumandera sa attacks ang Creamline matapos magtala ng 76 kills kumpara sa 41 spikes ng PetroGazz bukod sa kanilang 89 excellent digs.
Umaasa si Valdez na mabubura ang masamang karanasan sa Ynares kung saan natalo ang Creamline sa PetroGazz sa Game Three ng finals noong 2019.
“We had a very heartbreaking experience in Ynares in 2019. I guess we’ve learned from that because most of us in our roster then are still intact now,” ani Valdez.
Mapapalaban nang husto ang PetroGazz dahil parehong injured sina Grethcel Soltones at Myla Pablo.
- Latest