Uy napasama sa World’s Billionaire List
MANILA, Philippines — Kasabay ng opisyal na pagpasok ng Converge ICT Solutions sa PBA ay ang pagsampa ni team owner Dennis Anthony Uy sa prestihiyosong Forbes World’s Billionaire List sa unang pagkakataon.
Ayon sa listahang inilabas kahapon ng Forbes ay nakatuntong si Uy sa No. 2578 bitbit ang $1 bilyong yaman o higit sa P50 bilyon.
Swak din ang kanyang maybahay na si Maria Grace na mas mayaman ng $200 milyon para sa kabuuang $1.2 bilyon sa ika-2324 na puwesto.
Kamakalawa ay ipinakilala ng mag-asawang Uy ang Converge FiberXers na siyang ipaparada nilang moniker pagpasok sa PBA bilang pinakabagong miyembro.
Pangako ng Uy couple, makikipagtagisan sila sa mga higanteng koponan sa PBA kagaya ng pag-angat ng kanilang kumpanya kasabay ng mga pinakamalalaking industriya sa buong mundo ngayon.
“We want to give them top-notch basketball entertainment by having the best franchise in the PBA today. We are excited to commence our journey in building a track record and legacy of excellence, innovation, character, discipline, devotion, and the sportsmanship worthy of the respect of the PBA fans,” sabi ng tubong Pampanga na si Uy.
Naging pinakabagong franchise sa PBA ang Converge matapos bilhin ang prangkisa ng Alaska na nagdesisyong tapusin na ang pananatili sa liga matapos ang 35 seasons tampok ang 14 titulo at Grand Slam noong 1996.
Nasa Forbes list din si San Miguel Corporation president at chief executive officer (CEO) Ramon S. Ang hawak ang $2 bilyong yaman para sa No.1513.
- Latest