Suns lalo pang sumikat vs Timberwolves
MINNEAPOLIS — Humakot si center Deandre Ayton ng career-high 35 points at 14 rebounds para banderahan ang NBA-leading Phoenix Suns sa 125-116 pagpulutan sa Minnesota Timberwolves.
Humugot si Devin Booker ng 22 sa kanyang 28 points sa second half at umiskor si Landry Shamet ng 10 sa 19 points niya sa fourth quarter para sa ikaanim na sunod na ratsada ng Suns (59-14).
Patuloy ang dominasyon ng tropa ni Booker sa Western Conference papasok sa playoffs.
Umiskor si Anthony Edwards ng 19 points at naglista si Karl-Anthony Towns ng 15 points at 11 rebounds para sa Timberwolves (42-32) na nakapuwesto sa No. 7 sa West.
Bumangon ang Phoenix mula sa 15-point deficit para agawin ang 95-94 abante sa 8:35 minuto ng fourth period patungo sa panalo sa Minnesota.
Sa Boston, kumamada sina Jayson Tatum at Jaylen Brown ng tig-26 points para ihatid ang Celtics (46-28) sa 125-97 paggupo sa Utah Jazz (45-28).
Nagdagdag si Marcus Smart ng career-high 13 assists para sa pang-limang sunod na pananalasa ng Boston.
Sa Miami, humataw si Jordan Poole ng 30 points sa 118-104 pagpapalamig ng Golden State Warriors (48-25) sa Eastern Conference-leading Heat (47-26).
Sa Memphis, nagposte si Desmond Bane ng 23 points sa 132-120 dominasyon ng Grizzlies (50-23) sa Brooklyn Nets (38-35).
- Latest