Harris kasama sa Gilas roster
MANILA, Philippines — Dumating na sa bansa si teen sensation Caelum Harris upang sumama sa mahabang preparasyon ng Gilas Pilipinas simula sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo.
Bago sumalang sa ensayo kasama ang Nationals ay nanood muna si Harris sa knockout playoff games ng PBA Governors’ Cup kamakalawa sa Smart Araneta Coliseum.
Ang 16-anyos na si Harris ang pinakabagong recruit ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) noong nakaraang buwan upang magsilbing isa sa pundasyon ng Gilas.
Tubong Nashville, Tennessee ang 6-foot-7 na si Harris subalit taga-Cebu ang angkan at inaasahang babandera sa Gilas kasama si Lebron Lopez.
May Philippine passport na si Harris kaya eligible na maglaro para sa Nationals.
- Latest