36ers minamalas pa rin sa NBL
MANILA, Philippines — Tuloy ang dagok sa Adelaide 36ers matapos yumuko ang kanilang tropa sa ikaapat na sunod na pagkakataon sa Australia National Basketball League (NBL).
Nagtamo ang 36ers ng 73-92 kabiguan sa Perth Wildcats kahapon sa Adelaide Entertainment Center sa Adelaide, Australia.
Wala pa rin si Adelaide head coach CJ Bruton na kasalukuyang nasa isolation matapos magtamo ng coronavirus disease (COVID-19).
Ngunit hindi basta sumuko ang 36ers.
Sa katunayan, lumasap ito ng 20 puntos na pagkakabaon sa ikatlong kanto ng laban.
Subalit umariba ang 36ers upang maibaba ito sa pitong puntos at makalapit sa 71-78 sa huling anim na minuto ng laro.
Pero agad na sumagot ang Perth ng matikas na 13-2 bomba para tuluyang makuha ang panalo.
Walong minuto lamang nakapaglaro si Pinoy cager Kai Sotto kung saan tanging isang rebound lamang ang nakuha nito.
Nanguna para sa Adelaide si Daniel Johnson na may 19 points, 12 rebounds at dalawang assists, samantalang may tig-10 puntos sina Sunday Dech at Dusty Hannahs.
Bagsak sa 5-11 ang Adelaide para sa ikawalong puwesto sa standings.
Susubukan ng 36ers na makabalikwas sa 4 losing skid sa pagharap nito sa New Zealand Breakers sa Marso 12.
- Latest