TNT tumukod sa Phoenix
MANILA, Philippines — Humugot si Matthew Wright ng anim sa kanyang 27 points sa fourth quarter tampok ang fastbreak basket sa huling 1.3 segundo ang gumiya sa 93-92 paglusot ng Phoenix sa TNT Tropang Giga sa PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagdagdag si Wright ng 10 assists, 4 rebounds at 3 steals para sa ikalawang sunod na panalo ng Fuel Masters (4-2) para tumabla sa NLEX Road Warriors sa No. 4 slot.
“Today was a good win. It’s always good to have a grind out win,” wika ni Wright na kumamada ng 9 points sa third canto. “We still have a long way to go.”
Ito naman ang ikalawang dikit na kabiguan ng Tropang Giga (2-4).
Kinuha ng Phoenix ang 12-point lead, 35-23, mula sa dalawang free throws ni Wright sa 6:14 minuto ng second period hanggang kunin ng TNT ang 88-81 bentahe sa 4:50 minuto ng fourth quarter.
Matapos ang basket ni rookie Mikey Williams sa huling 2:01 minuto para sa 92-89 kalamangan ng Tropang Giga ay umiskor ng layup si Jayson Perkins para idikit ang Fuel Masters sa 91-92 sa natitirang 27.1 segundo.
Isang tapik ni Wright sa pasalaksak na si TNT guard Jayson Castro ang nagresulta sa sarili niyang fastbreak layup para sa 93-92 abante ng Phoenix sa nalalabing 1.3 segundo.
Sinupalpal ni Perkins ang tangkang alley oop para kay Tropang Texters big man Troy Rosario mula sa inbound pass ni Gab Banal para selyuhan ang panalo ng Fuel Masters.
Sa ikalawang laro, kumamada si import Tony Bishop ng 30 points, 13 boards at 7 assists para banderahan ang Meralco sa 101-95 paggupo sa nagdedepensang Barangay Ginebra.
Sumosyo ang Bolts sa Magnolia Hotshots sa liderato sa kanilang ikaapat na sunod na arangkada at ipinatikim sa Gin Kings ang ikalawang dikit na pagkatalo.
- Latest