Paat, Dindin bigo sa Thailand
MANILA, Philippines — Bigo ang tropa nina Mylene Paat at Dindin Santiago-Manabat na madugtungan ang panalo nito matapos yumuko ang Nakhon Ratchasima sa Diamond Food, 17-25, 19-25, 15-25, sa Thailand Volleyball League na ginanap sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.
Hindi masyadong ginamit sina Paat at Santiago-Manabat na posibleng ipinapahinga para sa mas importanteng mga susunod na laro.
Dahil dito, bumagsak sa 5-5 rekord ang Nakhon Ratchasima subalit nanatili ito sa ikaapat na puwesto.
Naging matatag naman sa No. 2 spot ang Diamond Food na may 9-1 marka sa likod ng nangungunang Supreme Chonburi na wala pang talo.
Sunod na sasabak ang Nakhon Ratchasima kontra sa Pro Flex sa Sabado ganap na alas-6 ng gabi sa parehong venue.
Inaasahang babalik agad sa bansa sina Paat at Santiago-Manabat sa oras na matapos ang kampanya nito sa Nakhon Ratchasima upang makaabot sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kung saan dedepensahan ng Chery Tiggo ang kanilang korona.
Kabilang sina Paat at Santiago-Manabat sa Crossover na nagkampeon sa 2021 PVL Open Conference na ginanap sa isang bubble setup noong nakaraang taon sa Bacarra, Ilocos Norte.
- Latest