Maagang sinimulan ni Nievarez ang training para sa SEAG
![Maagang sinimulan ni Nievarez ang training para sa SEAG](https://media.philstar.com/photos/2022/01/10/nievarez_2022-01-10_22-18-54.jpg)
MANILA, Philippines — Isa si Tokyo Olympian rower Cris Nievarez sa mga miyembro ng Team Philippines na tatarget ng kanyang ikalawang sunod na gold medal sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Kaya maagang sinimulan ni Nievarez at ng iba pang national rowers ang kanilang bubble training sa La Mesa Dam sa Quezon City.
“Sa SEA Games, gold talaga iyong hanap namin. Matumbasan iyong dati naming record noong 2019 SEA Games at para makalaro din kami sa Asian Games,” ani Nievarez sa PSC Hour program.
Sumagwan ang national rowing team ng kabuuang tatlong gold at isang bronze medal noong 2019 Phi-lippine SEA Games. Dinomina ng tubong Atimonan, Quezon ang men’s lightweight single sculls at bumandera si Melcah Jen Caballero sa women’s lightweight single sculls bago nakatambal ni Caballero si Joanie Delgaco sa lightweight double sculls.
“Ongoing naman iyong training namin at naka-set na iyong goal namin para sa SEA Games muna bago iyong Asian Games,” sabi ng 21-anyos na si Nievarez. “Ganoon pa rin iyong preparation na gagawin namin. Karamihan sa amin ngayon puro single sculls lang muna kasi nga kababalik lang, hindi pa puwedeng magsama-sama.”
Pamumunuan ni Nievarez ang 10 pang miyembro ng national rowing squad sa pagsabak sa 2022 Asian Rowing Virtual Indoor Championships sa Enero 15-22.
Lalahok si Nievarez sa U-23 men’s lightweight 2000-meter at U-23 men’s 500m.
- Latest