Hornets durog sa Bulls
CHICAGO — Humakot si big man Nikola Vucevic ng season-best 30 points at 14 rebounds para banderahan ang Bulls sa 133-119 paglampaso sa Charlotte Hornets at solohin ang No. 2 spot sa Eastern Conference.
Matapos putulin ng Charlotte ang 23-point deficit sa apat mula sa layup ni Gordon Hayward sa 7:31 minuto ng fourth period ay pinamunuan naman ni Vucevic ang 9-0 atake ng Chicago patungo sa kanilang panalo.
Nagsalpak ang 6-foot-10 center ng perpektong 6-for-6 shooting sa three-point range para banderahan ang Bulls (14-8) na nakahugot kina DeMar DeRozan at Zach LaVine ng 28 at 25 markers, ayon sa pagkakasunod.
Umiskor si Terry Rozier ng 31 points at may 22 markers si Hayward sa panig ng Hornets (13-10).
Sa Miami, tumipa si center Nikola Jokic ng 24 points habang may 20 markers si Aaron Gordon para igiya ang Denver Nuggets (10-10) sa 120-111 panalo sa Heat (13-8).
Sa Salt Lake City, humataw si Donovan Mitchell ng 30 points para ihatid ang Utah Jazz (14-7) sa 129-107 pagdomina sa Portland Trail Blazers (10-11).
Sa Philadelphia, naglista si Seth Curry ng 24 points at may 17 markers si Tobias Harris sa 101-96 pagdaig ng 76ers (11-10) sa Orlando Magic (4-18).
Sa iba pang laro, pinatumba ng New Orleans Pelicans ang Los Angeles Clippers, 123-104 at nanalo ang San Antonio Spurs sa Washington Wizards, 116-99.
- Latest