Gaballo pinag-aaralan na ang galaw ni Donaire
MANILA, Philippines — Dumating na ang pa-ngarap ni Reymart Gaballo na mabigyan ng pagkakataon na sumabak sa isang world title fight.
Ngunit alam nito na hindi magiging madali ang daang tatahakin nito upang maabot ang inaasam na tagumpay.
Daraan ito sa kamay ni reigning World Boxing Council (WBC) bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire na armado ng malalim na karanasan at matatalim na suntok.
Kaya naman ngayon pa lang, pinag-aaralan na ni Gaballo ang bawat galaw ni Donaire upang masiguro na handang-handa ito para sa kanilang laban sa Dis-yembre 11 (Disyembre 12 sa Maynila) sa Dignity Health Sports Park sa Carson City, Los Angeles.
Isa sa tinututukan nito ang pamatay na left hook ni Donaire na madalas nitong ginagamit sa kanyang mga laban. Paulit-ulit si Gaballo sa panonood ng laban ni Donaire.
Bukod sa iniidolo nito si Donaire, kumukuha si Gaballo ng ideya sa mga estilo nito. “Dun sa mga pinanood ko na mga laban niya, nakikita ko kung paano niya ginagamit ‘yung left hook. ‘Yung ang talagang binabantayan ko,” ani Gaballo sa programang Power and Play.
Alam naman ni Ga-ballo na hindi basta-bastang kalaban si Donaire. Malakas ito. Subalit hindi rin basta-basta susuko si Gaballo. Lalaban ito, wala nang atrasan.
“Alam naman natin na great boxer talaga si Nonito. Andun ‘yung lakas niya, ‘yung power niya kaya kailangan handang-handa ka kapag siya ang kalaban,” ani Gaballo.
- Latest