Javi malas sa unang B.League game
MANILA, Philippines — Tahimik ang naging debut ni Javi Gomez de Liaño sa 72-90 kabiguan ng Ibaraki Robots kontra sa Osaka sa Japan B.League sa Ookini Arena Maishima kahapon.
Nagkasya lang ang Filipino import sa tatlong puntos sa 13 minutong aksyon sa kanyang unang laro sa Japan matapos maantala ng kailangang papeles dagdag pa ang kanyang 14-day quarantine.
Nalaglag ang Ibaraki sa 1-9 kartada at sa paglalaro ni De Liaño ay nakumpleto na ang siyam na Pinoy players sa Japan matapos ang unang pagsalang ng iba simula pa noong nakaraang buwan.
Bigo rin sina Kiefer Ravena ng Shiga Lakestars at Ray Parks Jr. ng Nagoya Diamond Dolphins habang nakalusot si Matthew Aquino ng Shinshu Brave Warriors.
Nasayang ang 14 puntos at walong assists ni Ravena sa 88-99 pagkatalo ng Shiga (6-4) kontra sa defending champion Chiba habang nalimitahan sa walong puntos si Parks sa 92-101 pagyukod ng Nagoya (5-5) kontra Gunma.
Bagama’t dalawang puntos lang ang ambag, wagi naman si Aquino at ang Shinshu (6-4) sa Akita, 76-51.
Naglalaro pa as of press time sina Thirdy Ravena ng San-en (3-6), Kobe Paras ng Niigata (2-7) at Dwight Ramos ng Toyama (1-8) pati na sina Juan Gomez de Liaño (Earthfriends Tokyo Z) at Kemark Cariño (Aomori Wat’s) sa Division II.
- Latest