Roach mas gustong manahimik na lang
MANILA, Philippines — Mas minabuti ni Hall of Famer Freddie Roach na manahimik na lamang upang hindi na lumala pa ang iringan sa coaching staff ni eight-division world champion Manny Pacquiao.
Ayaw nang patulan ni Roach ang mga paratang ni strength and conditioning expert Justine Fortune sa umano’y paninisi at turuan sa dahilan ng pagkatalo ni Pacquiao sa kanyang huling laban.
Lumasap si Pacquiao ng unanimous decision loss kay World Boxing Association (WBA) welterweight champion Yordenis Ugas noong August 21 (Aug. 22 sa Maynila) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ilang araw matapos ang laban, nagsulputan ang bali-balitang may alitan sa loob ng Team Pacquiao.
Nakumpirma ito nang maglabas ng saloobin si Fortune kung saan sinisisi umano siya ni Roach sa pagkatalo ni Pacquiao.
Sa halip na makipagsagutan, nagpasya si Roach na manahimik na lamang.
Hihintayin lamang nito ang magiging hakbang ni Pacquiao sa isyu.
“Roach won’t respond (to Justine’s interview),” ani Fred Sternberg na tagapagsalita ni Roach.
Nauna nang inihayag ni Pacquiao na ayaw nitong may mawala sa kanyang coaching staff kaya’t handa itong mamagitan sa sinumang may alitan.
Nais ni Pacquiao na tapusin ang kanyang boxing career na buo ang kanyang team sakaling matuloy ang huling laban nito sa Enero.
Tinitingnan na ang rematch ng Pacquiao-Ugas fight subalit wala pang pinal na desisyon ang Pinoy champion.
Nakasentro muna ito sa kanyang political career kung saan inaabangan na ng lahat kung tatakbo ito sa Presidential Election sa 2022 o hindi.
Kakausapin pa ni Pacquiao ang pamilya niya bago magdesisyon kung sasabak pa ito sa boxing.
- Latest