Bejino bigo uli sa Finals
MANILA, Philippines — Sa ikatlong sunod niyang event ay hindi na naman nakaabante si national para swimmer Gary Bejino sa finals matapos maiwanan sa heats ng men’s 400-meter freestyle S6 class sa Tokyo Paralympics kahapon sa Tokyo Aquatic Centre.
Naorasan si Bejino ng 5:52.28 sa first heat at kulelat sa kabuuang 13 swimmers na lumangoy sa nasabing event.
Nauna nang nabigo ang 25-anyos na si Bejino, ang 2018 Asian Para Games silver medalist, na makapasok sa finals ng men’s 200m individual medley SM6 (17th place) at 50m butterfly S6 (14th place).
Lalangoy si Bejino ngayong alas-8:23 ng umaga sa men’s 100-meter backstroke S6 para sa pinakahuli niyang event sa Tokyo Paralympics.
Sasalang din si wheelchair racer Jerrold Mangliwan sa men’s 100-meter-T52 race, ang kanyang final event, sa alas-10:07 ng umaga.
Samantala, si para taekwondo jin Allain Ganapin ang naging ikatlong miyembro ng six-man delegation na nagpositibo sa COVID-19 matapos sina powerlifter Achelle Guion at discus thrower Jeannette Aceveda.
Hindi na nakabiyahe pa-Tokyo si Ganapin.
- Latest