Nievarez balik-ensayo na
MANILA, Philippines — Inaasahang babalik sa ensayo si national rower Cris Nievarez sa unang linggo ng Setyembre matapos sumabak sa nakaraang Tokyo Olympic Games.
“Binigyan muna namin siya ng rest at umuwi siya ng kanyang province,” ani national coach Edgardo Maerina sa tubong Atimon, Quezon. “Humingi siya ng ilang araw na pahinga para mag-recharge muna pero pagbalik niya bakbakan ulit sa training.”
Muling magsasanay si Nievarez kasama ang iba pang national rowers sa La Mesa Dam, ayon kay Maerina.
Sa kanyang Olympic debut ay tumapos ang 21-an-yos na rower sa 23rd overall sa men’s lightweight single sculls competition matapos pumuwesto na pang-lima sa Division D final classification.
Nagtala ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist ng pitong minuto at 21.28 segundo sa kanyang pinakahuling karera sa Tokyo Games.
Matapos ang Tokyo Olympics ay sasabak sana si Nievarez sa World Rowing Championships sa Oktubre at sa SEA Games sa Nobyembre na parehong iniurong sa 2022 dahil sa COVID-19 pandemic.
Nakatakdang lumahok si Nievarez sa Asian Championships sa Thailand sa Disyembre at sa 2022 ay lalaban siya sa Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa Thailand, SEA Games sa Vietnam at sa Asian Games sa China.
- Latest