Tokyo Games bubuksan na
TOKYO — Bubuksan na ngayon ang 2021 Tokyo Games kung saan 19-Pinoy athletes ang magtatangka sa pinakaaasam na Olympic gold ng Pinas.
Babanderahan nina 2016 Rio de Janeiro Olympic silver medalist Hidilyn Diaz (weightlifting), 2021 US Women’s Open champion Yuka Saso (golf) at 2019 world champion Carlos Edriel Yulo (gymnastics) ang kampanya ng Team Phi-lippines sa Tokyo Olympics na sa unang pagkakataon ay walang makakapanood live spectators.
“We won our first silver in Tokyo in 1964 and we might also win our first gold here now,” wika ni Team Philippines Chef De Mission Mariano “Nonong” Araneta.
Bukod sa mga karibal mula sa iba’t ibang bansa ay kalaban din ng mga Pinoy athletes ang CO-VID-19 sa loob ng Athletes’ Village kung saan 80 ang nagpositibo hindi pa man pormal na nagsisimula ang aksiyon.
Matinding kompetis-yon naman ang haharapin ni rower Cris Nievarez na magpapasimula sa laban ng Pinas ngayon.
Sa Heat 5 ng men’s single sculls ay makakatapat ni Nievarez sina 2016 Rio De Janeiro Olympics silver medalist Damir Martin ng Croatia, Privel Hinkati ng Benin, Felix Potoy ng Nicaragua at Alexander Vyazovkin ng Russia.
Pakakawalan ang karera sa ganap na alas-9:10 ng umaga (8:10 a.m. Manila time) sa Sea Forest Waterway.
Ang top three rowers sa anim na heats ang papasok sa quarterfinal round sa Lunes, habang ang iba ay sasabak sa repechage sa Linggo para sa puwestuhan.
Mangunguna sina national boxer Eumir Felix Marcial at Fil-Japanese judoka Kiyomi Watanabe bilang flag bearers ng Team Philippines sa opening ceremony ngayong hapon.
Ang mga damit nina Marcial at Watanabe at ng iba pang opisyales na makakasama nila sa parada ng mga koponan ay gawa ni multi-awarded Filipino designer Rajo Laurel.
- Latest