Game-fixing
Nagpahaging na noon ang mga gaya nina coaches Glenn Capacio at Gerry Esplana ukol sa naranasan nilang mailaglag ng kanilang mga players sa laro.
Ika pa ni Capacio, nakatikim sana siya ng ilang championships bilang coach kung hindi nadikitan ng game-fixers ang ilang manlalaro.
Nagkaroon din ng pagkilos ang mga PBA officials sa isang partikular na PBA D-League team na bistadong-bistado ang kilos na napasok din ng game-fixers.
Ganoon din si coach Derrick Pumaren na minabu-ting ilaro ang limitadong bilang ng manlalaro sa krusyal na D-League games dahil din sa kaparehong isyu.
Putok na naman ang game-fixing issue dahil sa mukhang lantarang laglagan sa laban ng ARQ Builders-Lapu Lapu City Heroes at Siquijor Mystics sa VisMin Super Cup nito lang.
Sa halftime, nag-decide ang league officials na i-postpone na muna ang laro habang hinihimay ang kontrobersya.
Lamang ang Lapu-Lapu, 27-13, pagkatapos ng first half kung saan parehong puro kalembang na tira at lelembot-lembot na laro ang ipinakita ng dalawang koponan.
Nagpahayag si Games and Amusements Board chief Baham Mitra ng kalungkutan at nangakong tututukan ang kontrobersya.
Ang kuwestyon eh kung mapipiga na kaya ang mga dapat pigain at maisiwalat na kaya ang mga taong nasa likod ng sindikatong matagal nang bumababoy ng basketball sa Pilipinas.
- Latest