Maraguinot tuluyan nang iniwan ang Ateneo
MANILA, Philippines — Tuluyan nang lilisanin ni outside hitter Jhoana Maraguinot ang Ateneo de Manila University upang mag-pro kasama ang Perlas Spikers sa Premier Volleyball League (PVL).
May final playing eligibility pa si Maraguinot sa Lady Eagles subalit nagdesisyon nitong tapusin na ang kanyang collegiate career para pagtuunan ang professional career.
Pumirma na ng kontrata si Maraguinot sa Perlas Spikers na bahagi ng PVL-- ang kauna-unahang professional volleyball league sa bansa.
“It’s too long na for me (para maglaro pa sa UAAP). Pumasok ako sa Ateneo noong 16 pa lang ako, then aalis ako 25 na ako (if ever na maglaro ako next season),” ani Maraguinot.
Hindi na bago sa commercial leagues si Maraguinot.
Naglaro na ito para sa Sta. Lucia Realtors sa Philippine Superliga (PSL).
Subalit nalimitahan ang playing time nito matapos magtamo ng injury.
Kaya naman masaya ito sa pagpasok sa Perlas Spikers na binibigyan siya ng sapat na suporta ng grupo para makarekober ng husto sa kanyang injuries.
“They gave me an opportunity to play at my own pace. Parang I told them about my injuries and they were willing to help with the rehab and conditioning,” ani Maraguinot.
Mahihiwalay si Maraguinot sa mga Ateneo teammates nito na karamihan ay nasa Choco Mucho Flying Titans gaya nina Maddie Madayag, Kat Tolentino, Ponggay Gaston at Deanna Wong.
“It’s exciting for me. Actually, they messaged me. Lahat sila, sinasabi na, ‘We are going to beat you! Gusto ko rin matalo sila kasi nahiwalay ako e,” ani Maraguinot.
- Latest