Davao Occidental Tigers nakabawi sa San Juan Knights
MANILA, Philippines — Noong nakaraang MPBL Datu Cup ay tinalo ng San Juan Knights ang Davao Occidental Tigers, 3-2 sa kanilang best-of-five championship series.
Kamakalawa ng gabi ay niresbakan ng Tigers ang Knights nang tapusin ang kanilang titular showdown sa 3-1 sa ‘bubble’ sa Subic Bay Gymnasium.
“Payback. It’s so much sweeter because we got it back from San Juan,” sabi ni Davao head coach Don Dulay. “We were so close last time and it was heartbreaking as an organization.”
Hinirang na Finals MVP si veteran Mark Yee na tumapos na may 19 points, 12 rebounds at 3 assists sa 89-88 overtime win ng Tigers laban sa Knights sa Game Four.
Pinangunahan ni Emman Calo ang Davao sa kanyang 22 markers, habang nagdagdag sina Joseph Terso at Billy Robles ng tig-11 points. Umiskor naman si center Larry Rodriguez ng 19 markers sa panig ng San Juan, nakahugot kina Jhonard Clarito, CJ Isit at John Wilson ng 18, 14 at 13 points, ayon sa pagkakasunod.
Inangkin ng Tigers ang Game One via overtime, 77-75 at ang Game Three, 66-58 habang inagaw ng Knights ang Game Two, 70-65.
Plano ng MPBL, isang taon natengga, na buksan ang susunod na season sa Hunyo 12.
- Latest