San Juan o Davao Occidental?
MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng nagdedepensang San Juan Knights at Davao Occidental Tigers ang 2-1 bentahe sa kanilang championship rematch sa MPBL Lakan Season National Finals sa Subic Bay Gym.
Magtutuos ang Knights ni coach Randy Alcantara at ang Tigers ni mentor Don Dulay ngayong alas-3 ng hapon sa Game Three ng kanilang best-of-five title series.
Inagaw ng Davao Occidental ang 77-75 overtime win sa Game One noong Miyerkules bago nakabawi ang San Juan sa Game Two nang kunin ang 70-65 panalo noong Huwebes para itabla sa 1-1 ang kanilang serye.
Samantala, humihingi ang Basilan Steel sa MPBL ng refund na humigit-kumulang sa P1 milyon para sa kanilang ginastos sa swab testing at accommodation sa Peninsular Hotel.
Naiwan ang siyam na Basilan players sa Peninsular Hotel, ang ginagamit na quarantine hotel ng MPBL ‘bubble’, at hindi pa makakaalis dahil sa isa pang swab testing.
“We invested heavily in our campaign to win it all, but this incident unjustly took that chance away from us, not even letting my people step on the court for one single time,” ani Steel team owner Hegem Cabrera Furigay. “So now we are demanding the costs of our campaign back. We were led on, cheated and made fools of.”
Idineklarang default ng MPBL ang Game Three ng Basilan at Davao Occidental matapos magpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang apat na players ng Steel.
- Latest