De Luna kampeon sa Florida tourney
MANILA, Philippines — Winalis ni dating Asian Games silver medalist Jeffrey De Luna ang lahat ng asignatura nito upang masungkit ang korona sa Predator Sunshine State Pro Am Tour na ginanap sa Brewlands North Lakeland sa Florida.
Inilampaso ni De Luna sa championship round si Anthony Meligno sa pamamagitan ng 9-2 desisyon para masikwat ang $1,800 papremyo.
Umabante si De Luna sa finals nang hindi nakakalasap ng kabiguan.
Nabigyan ito ng first-round bye bago pulbusin sina Jason Richko at Ladon Wiley sa pamamagitan ng parehong 7-0 demolisyon.
Hindi nagpaawat si De Luna nang isa-isa nitong pataubin sina Dale Stanley sa fourth round (7-4), Gary Pugh sa fifth round (7-2), Mike DeLawder sa quarterfinals (7-4) at Tommy Kennedy sa semifinals (7-4).
Ito ang unang titulo ni De Luna sa taong ito matapos pumangatlo sa Michael Montgomery Memorial 10-Ball Championship at Rack ’N Grill 9-Ball Shootout noong Enero
Nakalinya pa ang ilang torneong lalahukan nito sa US Circuit kasama sina dating world champion Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza..
- Latest