Myla Pablo panibagong simula sa Petro Gazz Chris Co
MANILA, Philippines — Nais ni Myla Pablo na magkaroon ng sariwang simula sa bagong taha-nan nitong Petro Gazz sa oras na magbalik-aksiyon ang Premier Volleyball League (PVL) sa Abril na planong ganapin sa isang bubble setup.
Maraming nangyari noong nakaraang taon dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Isa na rito ang pagkaka-disband ng Motolite na bahagyang nagdala ng kalungkutan kay Pablo.
Sa pagsasara ng isang yugto sa kanyang volleyball career, binuksan ng Petro Gazz ang pintuan nito para mainit na tanggapin si Pablo sa kanilang tropa.
Kaya naman, malaki ang pasasalamat nito sa tiwalang ibinigay ng Gazz Angels sa kanya.
“Sobrang thankful ako sa Motolite sa pinagsamahan namin. Pero malaki rin ang pasasalamat ko sa Petro Gazz dahil nandun ‘yung sincerity nila na alam kong nasa mabuti akong kamay,” ani Pablo.
Malalim ang karanasan ni Pablo na may tatlong sunod na titulo sa PVL kasama ang Pocari Sweat. Makailang ulit na itong naging MVP sa liga kasama pa ang ilang Best Outside Hitter awards.
Kaya naman asahan ang mas mabagsik na Gazz Angels na tiyak na lalaban para sa titulo ng Open Conference.
Makakasama ni Pablo sa koponan sina veteran outside hitters Grethcel Soltones at Ces Molina, middle blockers Ria Meneses at Remy Palma, playmakers Chie Saet at Ivy Perez, at libero Kath Arado.
“Mga beterano mga kasama ko kaya excited na ako. Alam kong marami akong matutunan sa kanila,” ani Pablo.
- Latest