Kat Tolentino goodbye sa Ateneo
MANILA, Philippines — Babu na si Ateneo de Manila University opposite hitter Kat Tolentino sa UAAP upang isentro ang kanyang atensiyon sa professional league.
Galing sa ilang buwan na bakasyon si Tolentino sa Canada.
Matapos ang holiday season, duma-ting ito sa Pilipinas kung saan sumailalim ito sa 14-day quarantine period.
Matapos ang quarantine, ginulat ng 6-foot-1 wing spiker ang lahat nang ihayag nito ang pamamaalam sa UAAP matapos mag-commit sa Choco Mucho na sasabak sa Premier Volleyball League (PVL).
Professional league na ang PVL na nakatakdang pumalo sa isang bubble setup sa Abril kaya’t awtomatikong mawawalan ng bisa ang kanyang final playing eligibility sa UAAP.
May isang taon pa sanang puwedeng lumaro si Tolentino sa Ateneo.
Subalit naudlot ang Season 82 noong nakaraang taon habang kinansela naman ang Season 83 dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Bibigyan ng konsiderasyon ng UAAP ang mga senior players partikular na ang mga lampas na sa age limit na 25-anyos katulad ni Tolentino na nakatakdang magdiwang ng ika-26 kaarawan sa Enero 27.
Malaki ang pasasalamat ni Tolentino sa buong Ateneo community sa suportang natanggap nito sa ilang taong pamamalagi sa Katipunan-based squad.
“I am thankful to Ateneo, my teammates and my coaches because without them, I would’nt be where I am today,” ani Tolentino.
- Latest