Barroca, iba pa pumirma na
MANILA, Philippines — Na-secure na ng ilang koponan ang mga key players matapos ang kanilang contract extensions habang nag-aabang pa sa anomang offseason movements papalapit sa 2021 PBA Rookie Draft.
Bumida si Mark Barroca sa pinakabagong manlalaro na nakakuha ng bagong tatlong taong kontrata mula sa Magnolia bilang pagdiriwang na rin ng ika-10 season niya sa koponan simula nang maging 5th pick noong 2011 PBA Draft.
Kasama sina Marc Pingris, Rafi Reavis at Ian Sangalang, isa ang 34-anyos na gwardiya sa pinaka-beterano sa Hotshots, kung saan siya nanalo na ng anim na kampeonato.
Ilan pa sa mga bagong signees ay sina Mike Miranda at Kenneth Ighalo ng NLEX na pumira ng isang taong deal kahapon, ayon sa batikang agent na si Danny Espiritu.
Kamakalawa lang ay napapirma rin ni Espiritu ang isa pang manlalaro na si Samboy De Leon ng isang taong kontrata sa TNT matapos ang magilas na kampanya sa Pampanga bubble. May bagong kontrata na rin sina Kyle Pascual (Magnolia), Rashawn McCarthy (Terrafirma), Trevis Jackson (Meralco) at Chris Javier (TNT), ayon sa manager na si Marvin Espiritu.
Si Calvin Abueva ang pinaka-unang signee sa PBA offseason bago ang 46th Season sa Abril matapos selyuhan ang tatlong taong kontrata sa Phoenix noong nakaraang buwan. Sinundan siya nina Raoul Soyud at JR Quiñahan ng NLEX gayundin nina Noy Baclao at Jammer Jamito ng Meralco.
Tanging ang mga contract extensions pa lang na ito ang pumuputok sa PBA habang tahimik pa ang mga koponan at nagpupwestuhan sa offseason movements bago ang bigating 2021 PBA Draft sa Marso 14.
- Latest