Bolts pinuwersa ang Game 5
MANILA, Philippines — Gusto pang maglaro ng Bolts sa Game Five bukas.
Naungusan ng Meralco ang pagbangon ng Barangay Ginebra sa second half para agawin ang 83-80 panalo sa Game Four ng kanilang semifinals duel sa 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.
Itinabla ng Bolts sa 2-2 ang kanilang best-of-five semifinals duel ng Gin Kings patungo sa ‘rubber match’ na Game Five bukas.
Ang blangka ni 6-foot-8 Raymond Almazan kay Ginebra guard Stanley Pringle sa huling limang segundo ng final canto na nagresulta sa fastbreak basket ni Chris Newsome para sa kanilang 83-80 abante ng Meralco.
“We’ve won the first game and now we have to get the second game,” wika ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black sa Bolts, nakahugot ng 19 points sa 42-anyos na si Reynel Hugnatan.
Nagdagdag naman sina Newsome at Cliff Hodge ng tig-16 points habang tumapos si Almazan ng 11 markers, 3 rebounds at 1 block.
Ang jumper ni Hugnatan ang nagbigay sa Meralco ng 81-80 bentahe sa huling 15.1 segundo ng fourth quarter matapos ang basket ni 6’8 Japeth Aguilar para sa Ginebra.
Sa huling 8.3 segundo ay tumawag ng timeout si Gin Kings’ coach Tim Cone para sa kanilang final play kung saan sasalaksak si Pringle sa gitna.
Subalit naroon si Almazan para supalpalin si Pringle na nagbigay-daan sa fastbreak layup ni Newsome para sa final score.
Nauna nang nakabangon ang Ginebra mula sa 31-46 pagkakabaon sa pagsisimula ng third period para angkinin ang 80-79 abante sa huling 1:25 minuto ng fourth quarter.
Kumolekta si Pringle ng 18 points, 7 boards, 6 assists at 2 steals sa panig ng Gin Kings habang may 15, 13 at 12 markers sina Jared Dillinger, Scottie Thompson at Aguilar, ayon sa pagkakasunod.
Habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyang naglalaban ang Phoenix at Talk N Text sa Game 4 ng sarili nilang best-of-5 semis series kung saan lamang ang Super LPX sa serye sa 2-1 na kung mananalo ay pasok na sa finals.
- Latest