Bayani ng Miami si Tyler Herro
LAKE BUENA VISTA, Florida — Siya ang pinakabatang player sa NBA Eastern Conference finals series at tinulungan niya ang Miami Heat na makalapit sa NBA Finals.
Nagpasabog ang 20-anyos na si Tyler Herro ng Heat rookie-record na 37 points habang may 24 markers si Jimmy Butler para pamunuan ang Mia-mi sa 112-109 pagtakas sa Boston Celtics sa Game Four ng kanilang conference finals series.
Si Herro ang ikalawang 20-anyos na player sa NBA playoff history na umiskor ng 37 points sa isang laro bukod kay Magic Johnson, tumipa ng 42 markers sa Game Six ng 1980 NBA Finals para sa Los Angeles Lakers.
“I feel good about it,” ani Herro, bumura sa Heat rookie playoff record na 27 points ni Dwyane Wade noong 2004. “There’s a lot of work to be done still. We’re up 3-1.”
Nag-ambag si Goran Dragic ng 22 points at humakot si big man Bam Adebayo ng 20 points at 12 rebounds para sa 3-1 bentahe ng Miami sa kanilang best-of-7 series ng Boston.
Ito ang ika-12 pagkakataon na nakuha ng tropa ni Fil-Am coach Erik Spoelstra ang 3-1 abante sa isang best-of-seven series kung saan 11 dito ay kanilang naipanalo.
Maaari na itong tapusin ng Heat sa Game Five papasok sa NBA Finals.
Nanguna si Jayson Tatum ang Celtics sa kanyang 28 points na ginawa niya sa second half lamang.
Nadagdag si Jaylen Brown ng 21 points, 20 kay Kemba Walker, 14 kay Gordon Hayward at 10 markers kay Marcus Smart para sa Celtics.
- Latest