Lina tuloy na tuloy na sa UP
MANILA, Philippines — Opisyal na ang pag-lipat ni Bismarck Lina sa University of the Philippines (UP) nang makipagkasundo ang dating player ng University of Santo Tomas (UST) sa kampo ng Maroons sa pa-ngunguna ni head coach Bo Perasol kahapon.
Ang 6-foot-5 versatile forward na ang ikawalong player na uma-lis sa Growling Tigers kasunod nina CJ Cansino, Rhenz Abando, Brent Paraiso, Ira Bataller, Jun Asuncion, Deo Cuajao at Mark Nonoy.
Makakasama ni Lina ang sanhi ng pagputok ng kontrobersiya sa Sorsogon bubble ng UST na si Cansino, ang dating team captain ng Tigers na siyang unang sumibat sa team.
Sa Letran naman sina Abando, Paraiso at Bataller, sa Mapua si Asuncion habang tumalon sa La Salle sina Cuajao at Nonoy noong nakaraang linggo lamang. Makakasama rin ni Lina ang kanyang mga Batang Gilas teammates sa UP na sina Carl Tamayo at Gerry Abadiano mula sa NU gayundin si RC Calimag mula sa La Salle-Greenhills.
Impresibo ang juniors career ni Lina sa Tiger Cubs kung saan nagrehistro ito ng double-double na 16.6 puntos at 10.9 rebounds tungo sa UAAP Mythical Team selection. Gusto sana niyang ipagpatuloy ang collegiate career sa UST ngunit lumipat sa UP bunsod ng Sorsogon bubble issue na sanhi ng pagbibitiw ni Ayo na na-ban din sa UAAP.
- Latest