Toronto tumabla Denver nakabawi
LAKE BUENA VISTA, Florida — Matapos mabaon sa 0-2 ay bumangon ang nagdedepensang Toronto Raptors para itabla sa 2-2 ang kanilang semifinals series ng Boston Celtics.
Nagposte si forward Pascal Siakam ng 23 points at 11 rebounds habang nagtala si guard Kyle Lowry ng 22 points at 11 boards para akayin ang Raptors sa 100-93 paggupo sa Celtics sa Game Four ng Eastern Conference kahapon dito.
“I feel like we can always do that and obviously everyone clicking at the right time, and once we have that we’re a pretty special team,” wika ni Siakam.
Dalawang araw matapos agawin ang Game Three mula sa buzzer-beating three-point shot ni OG Anunoby ay hindi na nangailangan ng himala ang Toronto.
Matinding depensa lamang ang kanilang ginawa para patahimikin ang mga perimeter shooters ng Boston, partikular na si Jaylen Brown.
Nag-ambag si center Serge Ibaka ng 18 points at nagtala si guard Fred VanVleet ng 17 points, 6 rebounds at 6 assists para sa Raptors.
Binanderahan ni Jayson Tatum ang Celtics sa kanyang 24 points at 10 rebounds habang may 15 markers at 8 assists si Kemba Walker.
Samantala, itinabla naman ng Denver Nuggets sa 1-1 ang kanilang semis showdown ng Los Angeles Clippers makaraang angkinin ang 110-101 tagumpay sa Game Two.
Tumapos si Jamal Murray na may 27 points at humakot si center Nikola Jokic ng 26 markers at 18 rebounds para sa Nuggets.
Kumolekta naman si Paul George ng 22 points, 8 rebounds at 3 assists sa panig ng Clippers na na-bigong maitayo ang 2-0 bentahe sa kanilang serye.
- Latest