Isa na namang parangal kay Casugay
MANILA, Philippines — Pinarangalan din ng Comite International du Fair-Play (CIFP) o ang International Fair Play Committee si Pinoy surfer na si Roger Casugay dahil sa kabayanihan ng kanyang ipinamalas noong 2019 SEA Games.
Iginawad ng CIFP kay Casugay ang Pierre de Courbertain Act of Fair Play Award nang iligtas niya ang kapwa surfer mula sa Indonesia na si Arip Nurhidiyat.
Ang CIFP na itinatag sa France noong 1963 ng mga miyembro ng UNESCO, International Sports Press Association (AIPS), ICSSPE, FIFA, FIBA, FILA at International Rugby Board ay kumikilala sa mga acts of fair play ng isang atleta o team taun-taon.
Matatandaan na nalagay sa alanganin ang buhay ni Nurhidiyat nang matanggal ang tali ng kanyang surfboard sa Longboard Event noong SEA Games sa La Union.
Imbes na gamiting bentahe ang naging kamalasan ng kalaban ay tumigil siya para isalba ang Indonesian surfer sa pagkakalunod at hindi na inintindi ang magiging resulta ng laban. Nakopo rin niya ang gold medal pagkatapos ng rematch.
Nakarating din ang kabayanihan ni Casugay kay Indonesian president Joko Widodo at nagbigay-pugay siya rito at nagpsalamat nang husto sa kanyang ginawa.
“Marami pong salamat sa tiwala,” maiksing mensahe ni Casugay sa panibagong pagkilala na ibinigay sa kanya.
Dahil itinuring siyang isang bayani, nakatanggap din siya ng Fair Play Athlete award noong SEA Games at marami pang parangal at pabuya.
- Latest