Irving magtatayo ng sariling liga
MANILA, Philippines — Iminungkahi ng Brooklyn Net Star na si Kyrie Irving, nangunguna sa maliit na grupo ng mga NBA Players na kontra sa restart ng season, sa kanyang mga teammates na magtayo na lang ng bagong liga, ayon sa ulat ni Stefan Bondy ng New York Daily News.
Sa isang chat group ng Nets players, iminungkahi ni Irving na huwag na lang silang sumama sa 22-team tournament sa Disney World sa Orlando, Florida at simulan na lang ang bagong liga.
Hindi naman talaga lalaro si Irving sa Orlando ‘bubble’ dahil inoperahan ang kanyang balikat na tumapos ng kanyang season pero malaki ang epekto sa kanya ang kontrobersiyal na pagkamatay ni George Floyd sa mga kamay ng mga pulis kaya naka-focus siya sa pagkilos laban sa racial injustice.
Kung kakanselahin ang season, maaapektuhan ng malaki ang sahod ng mga players ngayon at sa hinaharap.
Naglabas ng statement ang grupo ni Irving noong Biyernes na nais nilang labanan ang ‘use and abuse system’ at sa pananaw ni Irving ay ang pagtatayo ng bagong liga ang sagot dito ngunit tila hindi itong mangyayari dahil marami sa kanyang mga kasama ang tutol.
Sinabi ni LA Lakers guard Avery Bradley na nasa grupo ni Irving, sa ESPN na nais nilang magkaroon ng mas magandang pagtanggap sa mga black Americans sa front office at coaching spots, donasyon sa black communities at partnerships sa mga black businesses.
- Latest