Marinero sasagupa sa ADG-Mapua
MANILA, Philippines — Magkakasubukan ang magkakamping coaches na sina Randy Alcantara at Yong Garcia sa pagsagupa ng iba pa nilang koponan sa 2019-2020 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Paco Arena sa Manila.
Magpapangbuno sina Alcantara at ang ADG Dong-Mapua kontra kina Garcia at sa Marinerong Pilipino ngayong alas-3 ng hapon bilang bahagi ng triple-bill.
Ito ang unang paghaharap ng dalawa na kasalukuyan ding nasa likod ng matagumpay na San Juan-Go For Gold coaching staff.
Sa likod ni Alcantara bilang head coach at Garcia bilang top assistant, swak na ulit sa North Division Finals ng MBPL ang San Juan Knights.
Sila rin ang nagwagi ng MPBL championship noong nakaraang taon.
Paboritong manaig ang Skippers ni Garcia lalo’t babandera sa kanila ang Gilas Pilipinas pool members na sina Juan at Javi Gomez De Liaño gayundin si second overall pcik Jaime Malonzo.
Kagagaling lamang ng Marinero sa 93-57 panalo kontra sa CEU noong nakaraang linggo.
Samantala, solido rin ang iba pang dalawang laban sa pagitan ng Builders Warehouse-UST at Diliman College sa ala-1 ng hapon at ang EcoOil-DLSU kontra sa Karate Kid-Ceu sa alas-5 ng hapon.
Magandang paghaharap din ang huling laban sa pagitan ng Green Archers at Scorpions na nakasentro kay coach Derrick Pumaren.
Dating coach ng CEU si Pumaren na nadala niya sa makasaysayang D-League finals noong nakaraang taon sa likod ng seven-man line-up subalit nasa panig na siya ng Green Archers ngayon.
- Latest