Bautista wagi sa Japanese patungo sa second round
MANILA, Philippines — Naitakas ni Southeast Asian Games bronze medalist Ian Clark Bautista ang 3-2 split decision win laban kay Japanese Hayato Tsutsumi papasok sa second round ng men’s featherweight sa 2020 Asian-Oceanian Continental Olympic Qualifying Tournament kahapon sa Prince Hamzah Hall sa Amman, Jordan.
Nakuha ni Bautista ang boto ng tatlong hurado mula sa Ukraine (29-28), Colombia (30-27) at Bulgaria (28-28), habang pumanig sa Japanese fighter ang mga judges galing Ireland (28-29) at Morocco (28-29).
“Nagkapaan muna kami sa umpisa ng laban kaya medyo naunahan ako, pero nakabawi naman kaagad ako sa second and third rounds. Magaling din naman siya,” sabi ng 25-anyos na si Bautista.
Ngunit mapapalaban nang husto sa second round si Bautista dahil makakasagupa niya si reigning SEA Games champion Chatchai Butdee ng Thailand na nakakuha ng opening-round bye dahil sa kanyang hawak na No. 3 seed.
Si Butdee ang tumalo kay Bautista sa semifinals noong 2019 SEA Games sa Maynila dahilan para magkasya ang Pinoy pug sa tansong medalya.
Una nang nakasiguro ng tiket sa second round sina AIBA Men’s World Championship silver winner Eumir Felix Marcial (men’s middleweight class), James Palicte (men’s light welterweight) at Carlo Paalam (men’s flyweight) matapos makakuha ng byes sa kani-kanilang dibisyon.
Kaya naman inaasahang ibubuhos ni Bautista ang lahat upang makabawi sa Thai bet.
Nakatakda namang harapin nina 2019 AIBA Women’s World Championship gold medalist Nesthy Petecio at veteran campaigner Risa Pasuit ang kani-kanilang karibal ngayong gabi.
Sasagupain ni Petecio si Krismi Langkapurayalage ng Sri Lanka sa second round ng women’s featherweight at lalabanan ni Pasuit si Hamamoto Saya ng Japan sa first round ng women’s lightweight category.
- Latest