Oconer amoy na ang korona
Solis inilusot ang Tarlac Central Luzon sa Stage Nine ng 2020 LBC Ronda
VIGAN CITY, Philippines – Napangalagaan ni George Oconer ng Standard Insurance-Navy ang kanyang overall lead sa individual classification matapos ang Stage Nine ng LBC Ronda Pilipinas, 2020 na nagsimula sa Pugo, La Union at nagtapos dito kahapon.
Kaya naman kahit may isang stage pa ay tiyak nang aangkinin ni Oconer ang pinapangarap na korona.
Wala sa top 20 finishers sa nasabing stage ang 28-anyos na si Oconer at ang kanyang teammates, pero malaki ang kanyang lamang sa oras kaya hindi ito nausog sa kinauupuan at kanyang koponan.
May aggregate clocking na 31 oras, 50 minuto at 52 segundo si Oconer sa overall individual classification at lamang siya ng isang minuto at 15 segundo sa teammate niyang si 2018 king Ronald Oranza.
“Nagtrabaho talaga kami. Tamang pahinga lang kami, tamang safety,” sabi ni Oconer.
Nasa third hanggang sixth place pa rin ang iba pang Navy riders sa overall individual classification.
Ito ay sina Ronald Lomotos, John Mark Camingao, Junrey Navarra at El Joshua Cariño.
Criterium ang banatan ngayon sa Stage Ten kaya wala nang puwedeng makaagaw ng korona sa Standard Insurance-Navy sa event na inorganisa ng LBC at pakikipagtulungan sa Manny V. Pangilinan Sports Foundation,
Paniguradong ikakahon ng Standard Insurance-Navy ang overall team classification dahil milya-milya ang kanilang bentahe.
Itinala ng Navy ang 127 oras, 23 minuto at 33 segundo sa team classification, malayo ng 33 minuto at 28 segundo sa Go for Gold at Bicycology Shop-Army.
Samantala, nagwagi sa Stage Nine si Kenneth Solis ng Tarlac Central Luzon sa kanyang bilis na apat na oras, 15 minuto at 27 segundo sa distansyang 176.4 kilometro.
“Para sa anak ko itong panalo. Pinilit ko talagang makuha ito,” wika ng 26-anyos na si Solis.
Dumating na segundo si Christopher Garado ng South Luzon Batangas.
- Latest