Morales kinuha ang stage 6; anim na navymen sa top 10
TARLAC CITY, Philippines — Anim na Standard Insurance-Navy riders ang namamayagpag sa Top 10 ng 2020 LBC Ronda Pilipinas.
Kaya naman ayon kay two-time champion Jan Paul Morales, mahihirapan ng maagaw ang overall individual classification na hinahawakan ng kanyang teammate na si George Oconer.
Kumilos ang 34-anyos na si Morales kahapon, matapos ang ilang araw na pagtulong sa mga kakampi matapos sikwatin ang panalo sa Stage Six na nagtapos sa Recreation Center dito.
“Mahirapan na sila kasi puro mga kakampi ko ‘yung nasa top six,” pahayag ni Morales, ang back-to-back champion noong 2016 at 2017.
Nanatiling nasa tuktok ng overall individual classification ang 28-anyos na si Oconer, may aggregate clocking na 20 oras, 29 minuto at 11 segundo matapos ang anim na stages sa event na inorganisa ng LBC at pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation,
Nasa pangalawang puwesto si 2018 king Ronald Oranza, pangatlo si Ronald Lomotos at ikaapat hanggang ikaanim sina John Mark Camingao, Junrey Navarra at El Joshua Cariño, ayon sa pagkakasunod.
“Hindi pa naman tapos ang laban kaya may pag-asa pa sila. Pero dedepensa kami para masiguro at makuha namin itong edition,” wika ni Morales.
Inirehistro ni Morales ang dalawang oras, 34 minuto at 58 segundo sa 111.9-kilometer race.
Pangalawang tumawid sa meta si Dominic Perez ng Bicycology Shop-Army, pangatlo si Aidan James Mendoza ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines at pang-apat si 2018 champion Ronald Oranza ng Navy.
Ang ibang Top 10 finishers ay sina Ryan Tugawin (5th) ng Tarlac Central Luzon, Ronnel Hualda (6th) ng Go For Gold, Arjay Kaul (7th) ng Bike Xtreme Philippines, Jerry Aquino, Jr. (8th) ng Scratch It, Rex Luis Krog (9th) at Orly Villanueva (10th) ng Team Nueva Ecija.
Kukumpleto sa OIC ay sina stage 1 winner Mark Julius Bordeos ng Bicycology Shop-Army, Rustom Lim ng 7Eleven, at dalawang Go For Gold riders na sina Jonel Carcueva at Ismael grospe Jr.
Muling isusuot ni Oconer ang Red Jersey paglarga ng Tarlac-Palayan Stage 7 ngayong araw.
Samantala, lumayo naman nang todo ang Standard Insurance-Navy sa overall team classification.
Nakalikom ang mga Navymen ng pinagsamang 81 oras, 56 minuto at 49 segundo matapos ang anim na stages at lamang sila ng 23 minutes at 40 segundo sa pumangalawang Go For Gold, nasa third ang Bicycology Shop-Army, habang pang-apat ang 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines.
- Latest