Eala isa sa siyam na awardees ng Tony Siddayao trophy ng PSA
MANILA, Philippines — Pamumunuan ni junior’s tennis sensation Alex Eala ang listahan ng mga bata at sumisikat na atleta sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night.
Pormal na tatanggapin ng 14-anyos na si Eala kasama ang siyam pang mga batang atleta ang 2019 Tony Siddayao awards sa gala night sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Ibinibigay ang award, ipinangalan kay dating Manila Standard sports editor Antonio ‘Tony’ Siddayao at ikinukunsiderang ‘Dean of Philippine sportswriting’, sa mga batang atletang may edad 17-anyos pababa.
Tumapos si Eala sa top 10 ng world junior rankings sa pagtatapos ng 2019.
Matapos makamit ang grand slam title mula sa pagrereyna sa nakaraang Australian Open girls doubles tournament katuwang si Priska Madelyn Nugroho ng Indonesia ay umakyat ang Filipina wonder sa No. 4 sa world rankings.
Makakasama ni Eala sa entablado sina bemedalled age-group swimmers Micaela Jasmine Mojdeh at Marc Bryant Dula sa event na inorganisa ng pinakamatandang media organization sa pamumuno ni Tito S. Talao, ang sports editor ng Manila Bulletin at inihahandog ng Philippine Sports Commission, Milo, Cignal TV, Philippine Basketball Association, AirAsia at Rain or Shine.
Ang kukumpleto sa mga Siddayao awardees ay sina bowling pair Dale Lazo at Jordan Dinham, Juan Miguel Sebastian ng karatedo, golfer Celine Abalos, Woman FIDE Master Antonella Racasa, powerlifter Jessa Mae Tabuan at netter Michael Eala.
Ang mga naunang nakatanggap ng nasabing award ay sina Grand Master Wesley So, Eumie Kiefer Ravena, Felix Marcial, Jeron Teng, Markie Alcala, Pauline Del Rosario, Aby Arevalo, Maurice Sacho Ilustre at iba pa.
Nasa unahan ng 200 awardees ang paggawad ng sportswriting fraternity sa 30th Southeast Asian Games overall champion na Team Philippines bilang 2019 Athlete of the Year.
- Latest