Devance sasailalim sa stem cell procedure
MANILA, Philippines — Lalong numipis ang frontline ng Barangay Ginebra dahil sa inasahang pagkawala ni veteran Joe Devance sa unang buwan ng paparating na 2020 PBA Philippine Cup.
Nakatakdang magtungo ang 38-anyos na si Devance sa Germany ngayong linggo para sumailalim sa isang stem cell procedure na siyang gagamot sa kanyang knee at foot surgeries sa nakalipas na tatlong taon.
Kakapirma lamang ng one-year extension ni Devance sa Gin Kings kamakalawa at bagama’t inaasahang mawawala sa loob ng isang buwan ay mapapalakas niya ang katawan para sa buong taon kung saan maghahangad ng Grand Slam ang crowd favorite.
Nauna nang napilayan ang Gin Kings dahil sa biglaang desisyon ni 7’0 Greg Slaughter na magpahinga muna sa basketball.
Napaso ang kontrata ni Slaughter sa Ginebra pagkatapos ng 2019 PBA Governors’ Cup at napasentro sa ilang trade rumors kapalit si Christian Standhardinger ng NorthPort bago ang desisyong mabakasyon.
Ngayon ay sasandal muna ang Ginebra kina defensive player Raymond Aguilar, Governors’ Cup Finals MVP Japeth Aguilar at Prince Caperal na nabigyan din ng contract extension upang punan ang puwesto ni Slaughter.
Nauna na ring pinapirma ng Ginebra ang mga rookies na sina Arvin Tolentino at Jerrick Balanza matapos pakawalan sina Julian Sargent at Teytey Teodoro.
Naghahanda ang Ginebra para sa 2020 PBA Philippine Cup na magbubukas sa Marso 8 sa Smart Araneta Coliseum.
- Latest