Cruz pasok sa Guam team
MANILA, Philippines — Bagama’t hindi para sa Gilas Pilipinas, balik international stage si Jericho Cruz matapos mapa-ngalanan sa final roster ng Guam national team sa first window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers.
Kasali ang NLEX player sa 14-man roster na ipinasa ng Guam sa FIBA kahapon, ilang araw bago ang laban nito kontra sa New Zealand sa Linggo sa Yigo Village, Calvo Fieldhouse.
Ilang araw na ring nasa Guam si Cruz upang makasama sa training camp ng koponan ayon kay coach Yeng Guiao at dahil sa angking galing ay hindi kataka-taka ang pagkakabilang niya sa final team.
Sa Pinas ipinanganak ang 29-anyos na si Cruz subalit sa Saipan lumaki bago bumalik sa bansa upang maglaro para sa Adamson Falcons sa UAAP.
Nairepresenta na ni Cruz ang Guam national team noong 2009 at 2010 para sa 2009 FIBA Oceania at 2020 Micronesian Games.
Naglaro naman siya para sa Gilas noong 2013 sa SEA Games na ginanap sa Myanmar.
Pero dahil hindi FIBA-sanctioned tourney ang regional biennial meet sa Timog Silangang Asya, walang kaso sa FIBA ang paglalaro ni Cruz ngayon sa Guam.
Buong pagmamalaki ni Cruz na mapasama sa Guam national team ayon sa kanyang social media post kalakip ang kanyang larawan suot ang Guam jersey no. 39 na numero niya rin sa Road Warriors.
“Let’s get it. Guam proud,” ani Cruz.
- Latest