May maaasahan pa sa Phl Men’s shuttlers
MANILA, Philippines — Nakasapol ng dalawang ibon ang Philippine men’s badminton team sa 2020 Badminton Asia Manila Team Championships sa Rizal Memorial Coliseum.
Bunsod ng pambihirang 3-2 panalo kontra sa Singapore, natabunan ng Pinoy shuttlers ang winless campaign ng women’s team at napanatili ang pag-asang makapasok sa susunod na round.
Hawak ang 1-1 kartada sa Group C, aabante sa quarterfinals ang koponan kung tatalunin ng Chinese-Taipei ang Singapore sa huling laban ng group phase. Kasalukuyan pang naglalaban ang dalawang teams habang isinusulat ang balitang ito.
Nauna nang lumuhod ang mga Pinoy sa mga Taiwanese sa continental meet opener kamakalawa su-balit siniguro ng hosts na ‘di sila susuko nang ganun ganun lang.
Naiwan sa 0-2 ang Pinas matapos ang pagkatalo nina Ros Pedrosa at Lanz Zafra kontra kina Loh Kean Yew at Jason The sa unang dalawang singles matches, ayon sa pagkakasunod.
Subalit bumalikwas ang mga Pinoy sa sumunod na dalawang laban nang manalo sina Peter Gabriel Magnaye at Alvin Morada kina Andy Kwek at Loh Kean Hean.
Wagi rin sina Philip Escueta at Paul John Pantig kina Wen Xing Abel Tan at Jia Hao Wong para itabla ang dwelo sa 2-2.
Naiwan sa kamay ni Solomon Padis Jr. ang kapalaran ng Pinas kontra kay Weng Soong Ng na hindi naman niya sinayang sa pag-iskor ng impresibong 21-10, 21-19 panalo.
“Ibinigay ko lang ‘yung best ko. Nothing to lose po pero mas okay nanalo kami,” anang UAAP Season 82 Rookie of the Year mula sa NU Bulldogs.
Nauna nang natanggal sa kontensyon ang PH women’s team matapos ang kabiguan kontra sa Thailand at Indonesia sa Group Y subalit nanatiling nasa likod ng men’s team para sa tsansang maibandila ang Pinas sa susunod na round ng Asian team championships na qualifiers para sa Uber at Thomas Cups sa Denmark ngayong Mayo.
- Latest