Iguodala ibinigay ng Grizzlies sa Heat
MEMPHIS – Pumayag ang Grizzlies na ibigay si veteran Andre Iguodala sa Miami Heat bilang bahagi ng isang package deal.
Nakatakdang lumagda si Iguodala sa isang two-year, $30 million extension sa Heat, dinala naman si Justise Winslow sa Memphis.
Sinabi ng 36-anyos na si Iguodala na sabik na siyang makasama si Jimmy Butler para sa kampanya ng Miami.
Hindi naglaro si Iguodala para sa Grizzlies ngayong season matapos siyang ibigay ng Golden State Warriors na pumasok sa isang three-team, sign-and-trade deal para mahugot si All-Star guard D’Angelo Russell.
Naging susi si Iguodala sa tatlong NBA championships at limang sunod na Finals appearances ng Warriors.
Nagtala siya ng mga averages na 5.7 points, 3.7 rebounds at 3.2 assists bilang sixth man ng Golden State sa nakaraang regular season.
Samantala, nakikipag-usap din ang Miami sa Memphis at Oklahoma City Thunder para sa isang three-team deal na magdadala kay Danilo Gallinari sa Heat matapos si Iguodala.
Kinuha naman ng Philadelphia sina forward Glenn Robinson III at guard Alec Burks mula sa Warriors sa kanilang trade kapalit ng 2020 second-round pick mula sa Dallas, 2021 second-round pick buhat sa Denver at 2022 second-round pick galing sa Toronto.
- Latest