Bicol nakaligtas sa GenSan
Angeles City, Philippines — Nalampasan ng Bicol Volcanoes ang matinding pagresbak ng General Santos Warriors para kunin ang 65-63 panalo papasok sa playoffs ng Chooks-to-Go MPBL Lakan Season South division kamakalawa ng gabi dito sa Angeles University Foundation Arena.
Tinapos ng LCC Malls-backed Volcanoes ang single round-robin elimination round bitbit ang 16-14 record at matiyak ang pagkakasama sa Top 8 sa South division.
Ito ay dahil tinalo nila ang ninth-ranking Cebu Casino Ethyl Alcohol (13-14) mula sa 77-67 tagumpay para sa No. 8 berth kahit mawalis ng Sharks ang huli nilang tatlong laro.
Nahulog naman ang GenSan sa sixth at seventh spot kasosyo ang Batangas City Athletics sa magkatulad nilang 16-11 marka.
Pinamunuan ni Alwyn Alday ang Bicol mula sa kanyang 13 points habang may 11 at 10 markers sina Chris Lalata at Jonathan Aldave, ayon sa pagkakasunod.
Pinadapa naman ng Pampanga Giant Lanterns ang Bacolod Master’s Sardines, 82-65, para sa kanilang pang-pitong sunod na arangkada at kunin ang fourth spot sa North division taglay ang 20-9 record.
Itinakbo ng Nueva Ecija ang 80-74 panalo kontra sa Makati Super Crunch para sa kanilang 10-18 baraha katabla ang Bacolod.
Nahulog ang Makati sa 21-8 karta.
Samantala, nakatakdang labanan ng Bataan ang Cebu ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang sultada ng Davao Occidental at Nueva Ecija sa alas-6:45 ng gabi at ang salpukan ng Manila at Bacoor sa alas-8:45 sa Bacoor’s Strike Gymnasium.
- Latest